6 Tinanong ni David ang Heteong si Ahimelec at si Abisai na kapatid ni Joab at anak ni Sarvia, “Sino ang sasama sa akin sa kampo ni Saul?”“Ako,” sagot ni Abisai.
7 Kinagabihan, lihim na pinasok nina David at Abisai ang kampo ni Saul. Dinatnan nila itong tulog na tulog at napapaligiran ni Abner at ng buong hukbo. Ang sibat nito ay nakatusok sa gawing ulunan.
8 Sinabi ni Abisai kay David, “Niloob ng Diyos na mahulog ngayon sa mga kamay mo ang iyong kaaway. Kung gusto mo, tatarakan ko na siya ng sibat. Isang saksak lang iyan at hindi na kailangang ulitin pa.”
9 Ngunit sinabi ni David, “Huwag mong gagawin iyan. Malaking kasalanan na pagbuhatan ng kamay ang haring pinili ni Yahweh.
10 Saksi si Yahweh, ang Diyos na buháy, darating ang araw na mamamatay rin siya, maaaring sa sakit o sa digmaan.
11 Huwag nawang itulot ni Yahweh na patayin ko ang kanyang piniling hari. Kunin na lang natin ang kanyang sibat, pati ang lalagyan niya ng inumin, at umalis na tayo.”
12 Kinuha nga ni David ang sibat sa ulunan ni Saul at ang lalagyan nito ng inumin, at sila'y umalis. Isa man kina Saul ay walang nagising sapagkat niloob ni Yahweh na makatulog sila ng mahimbing. Dumating at umalis sina David nang walang nakaalam.