2 Si Saul at ang kanyang mga anak ay inabutan ng mga Filisteo; pinatay ng mga Filisteo sina Jonatan, Abinadab at Melquisua, ang mga anak ni Saul.
3 Napakatindi ng labanan sa palibot ni Saul; at nang siya'y makita at panain ng mga manunudla, si Saul ay malubhang nasugatan.
4 Kaya, sinabi niya sa tagadala ng kanyang gamit-pandigma, “Saksakin mo na ako upang hindi na ako abutang buháy ng mga paganong iyan, at paglaruan pa nila.” Ngunit tumanggi ito sapagkat natatakot siyang gawin ito. Kaya binunot ni Saul ang kanyang espada at sinaksak ang kanyang sarili.
5 Nang makita ng tagapagdala na nagpakamatay si Saul, ganoon din ang ginawa nito sa kanyang sarili.
6 Kaya nang araw na iyon, sabay-sabay na namatay sina Saul, ang tatlo niyang anak na lalaki, ang kanyang tagadala ng sandata at ang lahat ng kanyang mga tauhan.
7 Nang makita ng mga Israelitang nasa kabila ng libis at ng Ilog Jordan na tumakas na ang hukbo ng Israelita, at nang mabalitaang napatay na sina Saul at ang tatlong anak nito, nilisan nila ang kanilang mga bayan at tumakas na rin. Kaya't nang dumating ang mga Filisteo, dito na sila nagkuta.
8 Kinabukasan, nang puntahan ng mga Filisteo ang kanilang mga napatay upang samsaman, natagpuan nila sa Bundok ng Gilboa ang bangkay ni Saul at ng tatlo niyang anak.