7 natakot sila. Sinabi nila, “May dumating na mga diyos sa kampo ng mga Israelita. Nanganganib tayo ngayon! Ngayon lamang nangyari ito sa atin!
8 Kawawa tayo! Sino ngayon ang makakapagligtas sa atin sa mga makapangyarihan nilang diyos? Ito ang mga diyos na nagpahirap sa mga Egipcio sa pamamagitan ng iba't ibang salot.
9 Mga kababayan, lakasan natin ang ating loob. Magpakalalaki tayo upang hindi tayo matalo at maalipin ng mga Hebreo, tulad ng pang-aalipin natin sa kanila. Lumaban tayo!”
10 Lumaban nga ang mga Filisteo at ang mga Israelita ay natalo na naman. Ang napatay sa kanila ay 30,000 at nagkanya-kanyang takas pauwi ang mga natira.
11 Nakuha ng mga Filisteo ang Kaban ng Diyos, at kanilang pinatay ang dalawang anak ni Eli na sina Hofni at Finehas.
12 Nang araw ring iyon, isang Benjaminita ang patakbong dumating sa Shilo mula sa labanan. Bilang tanda ng kalungkutan, pinunit niya ang kanyang damit at nilagyan niya ng lupa ang kanyang ulo.
13 Si Eli ay nakaupo noon sa kanyang upuan sa tabing daan, nakatanaw sa malayo at naghihintay ng balita. Nag-aalala siya dahil sa Kaban ng Diyos. At nang ibalita ng Benjaminita ang nangyari, nag-iyakan ang lahat ng taga-lunsod ng Shilo.