1 Makalipas ang pitong buwan mula nang dalhin sa lupain ng mga Filisteo ang Kaban ni Yahweh,
2 sumangguni ang mga ito sa kanilang mga pari at mga salamangkero. Itinanong nila kung ano ang dapat gawin sa Kaban ng Tipan at kung ano ang kailangang isama sa pagsasauli niyon.
3 Ang sagot ng mga pari at mga salamangkero, “Kung ibabalik ninyo ang Kaban ng Diyos ng Israel, samahan ninyo ng handog na pambayad sa kasalanan. Sa ganitong paraan, patatawarin kayo ng Diyos at hindi na paparusahan.”
4 Itinanong nila, “Anong handog na pambayad sa kasalanan ang kailangan?”Sumagot sila, “Sampung pirasong ginto—limang hugis bukol at limang hugis daga—isa para sa bawat haring Filisteo, sapagkat pare-pareho ang bukol na ipinadala sa inyo, hari man o hindi.
5 Ang mga bukol at dagang ginto ay gawin nga ninyong kamukha ng mga bukol at dagang nagpahirap sa inyo. Parangalan ninyo ang Diyos ng Israel at baka sakaling tigilan na niya ang pagpaparusa sa inyo, sa inyong mga diyos at sa buong bayan.
6 Huwag na ninyong gayahin ang pagmamatigas ng Faraon at ng mga Egipcio. Hindi ba't pinayagan na rin nilang umalis ang mga Israelita nang sila'y pahirapan ng Diyos ng Israel?
7 Kaya't maghanda kayo ng isang bagong kariton, at dalawang gatasang baka na may bisiro at hindi pa napagtatrabaho kahit kailan. Ikulong ninyo ang mga guya, at ipahila ang kariton sa dalawang baka.