17 Ito ang mga bayang pinag-ukulan ng mga gintong bukol na inihandog ng mga Filisteo kay Yahweh bilang handog na pambayad sa kasalanan: Asdod, Gaza, Ashkelon, Gat at Ekron.
18 Ang limang dagang ginto naman ay para rin sa limang bayang ito at sa mga lupaing sakop ng limang haring Filisteo. At hanggang ngayon, naroroon pa sa bukid ni Josue sa Beth-semes ang malaking batong pinagpatungan ng Kaban ng Tipan ni Yahweh bilang saksi sa lahat ng nangyari.
19 May pitumpung taga-Beth-semes na nangahas na sumilip sa Kaban ng Tipan, kaya't sila'y pinatay ni Yahweh. Nagluksa ang mga taga-Beth-semes nang makita nila ang malagim na kamatayan ng kanilang mga kababayan.
20 Sinabi ng mga taga-Beth-semes, “Sino ang makakaharap kay Yahweh, sa banal na Diyos? Saan kaya mabuting ipadala ang kanyang Kaban para mapalayo sa atin?”
21 Nagpadala sila ng mga sugo sa Lunsod ng Jearim. Ipinasabi nilang kunin doon ang Kaban ng Tipan ni Yahweh sapagkat ibinalik na ito ng mga Filisteo.