11 Sa daan, nakasalubong sila ng mga dalagang sasalok ng tubig. “Narito kaya ang manghuhula?” tanong ni Saul sa mga dalaga.
12 Sumagot ang mga dalaga, “Opo. Kararaan lang niya papunta sa altar sa burol sapagkat maghahandog doon ang mga tao. Lumakad na kayo at pagpasok ninyo ng lunsod
13 ay makikita ninyo siya. Magmadali kayo upang maabutan ninyo siya bago makaakyat sa altar para kumain. Hindi kakain ang mga taong naroon hangga't hindi siya dumarating sapagkat kailangan munang basbasan ang mga handog. Pagkabasbas, saka kakain ang mga panauhin.”
14 At nagtuloy nga sila sa lunsod. Papasok na sila nang makita nila si Samuel na papunta naman sa altar na paghahandugan.
15 Isang araw bago dumating doon si Saul, nagpakita kay Samuel si Yahweh at sinabi,
16 “Bukas nang ganitong oras, may darating sa iyong isang lalaking taga-Benjamin. Pahiran mo siya ng langis bilang pinuno ng aking bayang Israel. Siya ang magtatanggol sa mga Israelita laban sa mga Filisteo. Naaawa na ako sa nakikita kong paghihirap ng aking bayan at narinig ko ang kanilang karaingan.”
17 Nang dumating si Saul, sinabi ni Yahweh kay Samuel, “Iyan ang lalaking sinasabi ko sa iyo na maghahari sa Israel.”