17 Nang dumating si Saul, sinabi ni Yahweh kay Samuel, “Iyan ang lalaking sinasabi ko sa iyo na maghahari sa Israel.”
18 Lumapit si Saul kay Samuel at nagtanong, “Saan po ba nakatira ang manghuhula?”
19 Sumagot si Samuel, “Ako ang manghuhula. Sumama ka sa akin sa altar sa burol at magsasalo tayo sa pagkain. Bukas ka na ng umaga umuwi pagkatapos kong sabihin sa iyo ang gusto mong malaman.
20 Huwag mo nang alalahanin ang mga asnong hinahanap mo sapagkat nakita na ang mga iyon. Sino ba ang pinakamimithi ng Israel kundi ikaw at ang sambahayan ng iyong ama?”
21 Sumagot si Saul, “Ako po'y mula sa lipi ni Benjamin, ang pinakamaliit na lipi sa Israel at ang aming angkan ang pinakamahirap sa aming lipi. Bakit po ninyo sinasabi sa akin iyan?”
22 Si Saul at ang kanyang katulong ay isinama ni Samuel sa handaan at pinaupo sa upuang pandangal. May tatlumpu ang naroong panauhin.
23 Sinabi ni Samuel sa tagapagluto, “Ihain mo rito ang bahaging ipinatabi ko sa iyo.”