9 Pinalapit po ako at ang sabi, ‘Hirap na hirap na ako sa kalagayang ito. Mabuti pa'y patayin mo na ako.’
10 Lumapit naman po ako at pinatay ko nga siya, sapagkat alam kong hindi na rin siya mabubuhay pa dahil sa kanyang tama. Pagkatapos, kinuha ko ang kanyang korona at ang pulseras sa kanyang braso. Heto po't dala ko para sa inyo, panginoon.”
11 Nang marinig ito, pinunit ni David ang kanyang kasuotan; gayundin ang ginawa ng mga kasamahan niya.
12 Tumangis sila, nag-ayuno at nagluksa hanggang gabi, sapagkat si Saul, ang anak nitong si Jonatan, at ang iba pang lingkod ni Yahweh sa bansang Israel ay nasawi sa labanan.
13 Muling tinanong ni David ang lalaki, “Tagasaan ka nga ba?”“Ako po'y anak ng isang dayuhang Amalekita,” sagot naman nito.
14 Sinabi ni David, “Hindi ka man lamang natakot na patayin ang haring pinili ni Yahweh?”
15 Kaya't inutusan ni David ang isa niyang kabataang tauhan, “Patayin ang taong ito.” Iyon nga ang kanyang ginawa.