11 Sinabi ni David kay Abisai at sa lahat niyang lingkod, “Kung ang anak ko mismo ay nagtatangka sa aking buhay, hindi nga kataka-taka ang ginagawa ng Benjaminitang ito. Hayaan ninyo siyang magmura at sumpain ako. Inutusan siya ni Yahweh na gawin ito.
12 Baka naman kahabagan ako ni Yahweh sa kalagayang ito, at pagpalain ako sa halip na sumpain.”
13 Patuloy sa paglakad sina David at ang kanyang mga tauhan, samantalang sa gilid ng burol, sa tapat nila'y sumasabay si Simei. Hindi ito tumitigil ng panlalait, pambabato, at pagsasaboy ng alikabok sa dakong kinaroroonan nila sa kapatagan.
14 Pagkatapos, dumating ang hari at ang kanyang mga kasamahan na pagod na pagod sa may Ilog Jordan. At nagpahinga muna sila roon.
15 Hindi nagtagal, pumasok nga sa Jerusalem si Absalom kasama ang lahat ng Israelita pati si Ahitofel.
16 Nang magkita si Absalom at ang kaibigan ni David na si Cusai, sumigaw ito, “Mabuhay ang hari! Mabuhay ang hari!”
17 “Ito ba ang pagpapakita mo ng katapatan sa kaibigan mong si David?” tanong ni Absalom. “Bakit hindi ka sumama sa iyong kaibigan?”