13 Kung siya'y umatras sa isang lunsod, ating iguguho ang lunsod na iyon at itatambak sa bangin upang wala ni kapirasong bato na matira roon.”
14 Pagkarinig niyon, sinabi ni Absalom at ng buong Israel, “Mas maganda ang payo ni Cusai na Arkita kaysa payo ni Ahitofel.” Nagpasya si Yahweh na huwag masunod ang mabuting payo ni Ahitofel upang mapahamak si Absalom.
15 Pagkatapos, sinabi ni Cusai sa dalawang paring sina Zadok at Abiatar ang payo ni Ahitofel kay Absalom at sa matatandang pinuno. Matapos ipagtapat ang lahat,
16 sinabi niya, “Babalaan ninyo agad si David na huwag matutulog ngayong gabi sa may batis sa ilang. Patawirin siya sa ibayo ng Jordan bago mahuli ang lahat, baka mapahamak siya at ang mga kasama niya!”
17 Para walang makakita sa kanila, sina Jonatan at Ahimaaz ay hindi na pumasok ng lunsod; doon na lamang sila naghintay sa En-rogel. Ang anumang balita para kay David ay dinadala sa kanila ng isang aliping babae.
18 Ngunit may binatilyo palang nakakita sa kanila at ito ang nagsumbong kay Absalom. Nang malaman nila ito, umalis agad ang dalawa at nagtago sa Bahurim. Lumusong sila sa balon sa loob ng bakuran ng isang tagaroon.
19 Tinakpan agad ng asawa nito ang balon at kinalatan ng trigo ang ibabaw niyon upang hindi paghinalaang may nagtatago roon.