19 Tinakpan agad ng asawa nito ang balon at kinalatan ng trigo ang ibabaw niyon upang hindi paghinalaang may nagtatago roon.
20 Dumating ang mga alipin ni Absalom at nagtanong sa babae, “Saan naroon sina Ahimaaz at Jonatan?”“Tumawid na sila sa ilog,” tugon ng babae.Ginalugad nila ang lugar na iyon, ngunit walang nakita, kaya't nagbalik na sila sa Jerusalem.
21 Pagkaalis ng mga tauhan, umahon sa balon ang dalawa. Nagpunta agad sila kay David at ipinagtapat ang masamang binabalak ni Ahitofel. Pagkatapos, sinabi nila, “Tumawid kayo agad ng ilog.”
22 Tumawid nga si David at ang buo niyang pangkat, at nang magmamadaling-araw, wala isa mang naiwan sa kabila ng Jordan.
23 Nang malaman ni Ahitofel na hindi sinunod ang kanyang payo, umuwi agad siyang sakay ng asno. Matapos mag-iwan ng huling habilin sa mga kasambahay, siya'y nagbigti. Inilibing siya sa puntod ng kanyang ama.
24 Nasa Mahanaim na si David nang tumawid sa Jordan sina Absalom at mga kasamang Israelita.
25 Sa halip na si Joab, si Amasa ang ginawa ni Absalom na pinuno ng buong hukbo. Si Amasa ay anak kay Abigail ni Itra, isang lalaking Ismaelita. Si Abigail naman ay anak ni Nahas, kapatid ni Zeruias na ina ni Joab.