5 Ngunit sinabi ni Absalom, “Tanungin din natin si Cusai na Arkita kung ano ang kanyang maipapayo tungkol sa bagay na ito.”
6 Pagdating ni Cusai, sinabi ni Absalom ang payo ni Ahitofel. Tinanong niya si Cusai, “Susundin ba natin si Ahitofel? At kung hindi, ano ang masasabi mo?”
7 Sinabi naman ni Cusai kay Absalom, “Sa ngayon, ang balak ni Ahitofel ay hindi mabuting sundin.
8 Hindi mo ba alam na ang mga tauhan ng iyong ama'y mga sanay na mandirigma? Mababangis silang tulad ng inahing osong inagawan ng anak. Sa talino ng iyong ama'y hindi iyon matutulog na kasama ng kanyang mga tauhan.
9 Malamang siya ngayo'y nagtatago sa isang hukay o sa ibang lugar. At kung sa unang pagsalakay ay malagasan ka ng mga tauhan, tiyak na ang sinumang makabalita ay ganito ang sasabihin: ‘Natalo ang mga tauhan ni Absalom.’
10 Matapang ma't may pusong-leon ay matatakot din, sapagkat alam ng buong Israel na magiting na mandirigma ang iyong ama, at hindi aatras sa labanan ang mga tauhan niya.
11 Ganito ang payo ko: ‘Hintayin mo munang ang mga Israelita mula sa Dan hanggang Beer-seba ay matipong lahat na sindami ng buhangin sa tabing-dagat. Pagkatapos, ikaw mismo ang manguna sa pakikipaglaban.