16 Hinipan ni Joab ang trumpeta at ang kanyang buong hukbo ay huminto na sa pagtugis sa mga Israelita.
17 Kinuha nila ang bangkay ni Absalom, inihulog sa isang malaking hukay sa kagubatan at tinabunan ng mga bato. Nagsitakas naman at umuwi na ang lahat ng mga Israelita.
18 Noong nabubuhay pa si Absalom, nagpatayo siya ng isang bantayog sa Libis ng Hari. Ginawa niya ito bilang alaala, sapagkat wala siyang anak na lalaking magpapatuloy ng kanyang pangalan. Isinunod niya sa kanyang pangalan ang bantayog na iyon, at hanggang ngayo'y tinatawag iyong Bantayog ni Absalom.
19 Sinabi ni Ahimaaz na anak ni Zadok, “Hayaan ninyo akong tumakbo upang maibalita ko agad sa hari na siya'y nailigtas na ni Yahweh sa kanyang mga kaaway.”
20 Ngunit sinabi ni Joab, “Huwag mong gagawin iyan sa araw na ito. Ipagpaliban mo na sa ibang araw sapagkat namatay ang anak ng hari.”
21 At inutusan niya ang isang aliping Cusita para ibalita kay David ang nangyari. Nagbigay-galang muna ito kay Joab, bago patakbong umalis.
22 Nagsumamo kay Joab si Ahimaaz: “Anuman po ang mangyari'y pahintulutan ninyong sundan ko ang Cusita.”“Bakit, anak ko?” tanong ni Joab. “Wala kang mapapala sa pagbabalita mo.”