4 “Gagawin ko kung ano ang inaakala ninyong pinakamabuti,” sagot ng hari. Tumayo na lang siya sa may pintuan ng lunsod habang papalabas ang kanyang mga kawal na nasa pangkat na libu-libo at daan-daan.
5 Pinagbilinan niya sina Joab, Abisai at Itai, “Alang-alang sa aki'y huwag ninyong sasaktan ang anak kong si Absalom.” Narinig ng buong hukbo ang bilin ng hari sa lahat ng pinuno tungkol kay Absalom.
6 Hinarap ng hukbo ni David ang mga Israelita at naglaban sila sa kagubatan ng Efraim.
7 Natalo ng mga tauhan ni David ang mga Israelita, at dalawampung libong kawal ang napatay nang araw na iyon.
8 Umabot ang labanan hanggang sa mga kabukiran. Nang araw na iyon, mas marami pa ang namatay sa kagubatan kaysa namatay sa tabak.
9 Nakasalubong naman ni Absalom ang ilang kawal ni David. Nakasakay noon sa mola si Absalom, at pagdaan niya sa ilalim ng isang malaking puno ng ensina, napasabit ang ulo niya sa mga sanga. Nagpatuloy sa pagtakbo ang mola at naiwan si Absalom na nakabitin sa puno.
10 Isa sa mga nakakita nito ang nagsabi kay Joab, “Nakita ko si Absalom na nakabitin sa isang puno ng ensina.”