9 Nakasalubong naman ni Absalom ang ilang kawal ni David. Nakasakay noon sa mola si Absalom, at pagdaan niya sa ilalim ng isang malaking puno ng ensina, napasabit ang ulo niya sa mga sanga. Nagpatuloy sa pagtakbo ang mola at naiwan si Absalom na nakabitin sa puno.
10 Isa sa mga nakakita nito ang nagsabi kay Joab, “Nakita ko si Absalom na nakabitin sa isang puno ng ensina.”
11 Pagkarinig nito'y sinabi ni Joab sa lalaki, “Nakita mo na palang nakabitin, bakit hindi mo pa siya pinatay doon? Nakatanggap ka sana sa akin ng sampung pirasong pilak at isang sinturon.”
12 Sumagot ang lalaki, “Kahit na po gawin ninyong sanlibong pirasong pilak, hindi ko maaaring pagbuhatan ng kamay ang anak ng hari. Narinig po naming lahat ang utos ng hari sa inyo at kina Abisai at Itai na huwag sasaktan ang anak niyang si Absalom alang-alang sa kanya.
13 Kung siya'y pinagbuhatan ko ng kamay at namatay, malalaman din po iyon ng hari at hindi naman kayo ang mananagot sa nangyari.”
14 “Hindi na kita pag-aaksayahan ng panahon,” sabi ni Joab. Kumuha siya ng tatlong sibat at isa-isang itinusok sa dibdib ni Absalom na noo'y buháy pang nakabitin sa puno.
15 Pagkatapos nito'y pumaligid ang sampung tauhan ni Joab kay Absalom at pinatay ito.