8 Dahil dito, tumayo ang hari at naupo sa may pintuan ng lunsod. Nang malaman ito ng kanyang mga kawal, sila'y nagsilapit sa kanya.Samantala nagsitakas ang mga Israelita at nag-uwian sa kani-kanilang bayan.
9 At ganito ang naging usapan sa buong lupain: “Iniligtas tayo ni Haring David sa lahat nating kaaway, at pinalaya sa mga Filisteo. Ngunit dahil kay Absalom, napilitan siyang umalis.
10 Kinilala nating hari si Absalom, ngunit siya'y napatay sa labanan. Bakit hindi pa natin pababalikin ang dati nating hari?”
11 Ang usapang ito'y kumalat sa buong Israel, at umabot sa pandinig ni David. Kaya't isinugo niya ang mga paring sina Zadok at Abiatar upang sabihin sa pinuno ng Juda, “Bakit wala pa kayong ginagawang hakbang upang magbalik ang hari sa palasyo?
12 Kayo'y mga tunay na laman at dugo ko. Bakit nahuhuli pa kayo sa paghahangad na ako'y mapabalik doon?”
13 At ipinasabi naman niya kay Amasa, “Ikaw ay tunay kong laman at dugo. Ikaw ngayon ang hinihirang kong pinuno ng hukbo, kapalit ni Joab. Patayin nawa ako ng Diyos kung hindi ito ang gagawin ko!”
14 Buong galak na tinanggap ng mga taga-Juda ang balitang ito, kaya't ipinasundo nila si Haring David at ang lahat ng mga kasama niya.