9 Doo'y ginawang hari ni Abner si Isboset upang mamuno sa Gilead, sa mga Asureo, sa Jezreel, sa Efraim, sa Benjamin at sa buong Israel.
10 Si Isboset na anak ni Saul ay apatnapung taon noon at dalawang taóng naghari sa Israel, ngunit si David ang kinilalang hari ng lipi ni Juda.
11 Naghari si David roon sa loob ng pito't kalahating taon habang siya'y nanirahan sa Hebron.
12 Ang hukbo ni Isboset sa pangunguna ni Abner ay lumabas sa Mahanaim upang pasukin ang Gibeon.
13 Ang hukbo naman ni David sa pangunguna ni Joab, na anak ni Zeruias, ay lumabas din mula sa Hebron. Nagtagpo ang dalawang pangkat sa may ipunan ng tubig sa Gibeon at magkatapat na humanay.
14 Sinabi ni Abner kay Joab, “Palabasin mo ang magagaling ninyong tauhan at isa-isang makipagtagisan ng lakas sa mga tauhan namin.”“Mangyayari ang gusto mo,” sagot ni Joab.
15 Labindalawa sa panig ni David ang isa-isang lumabas at tinapatan naman ng labindalawang Benjaminita sa panig ni Isboset.