1 Si Seba na taga-Gilgal ay isang walang-hiyang tao. Siya ay anak ni Bicri, mula sa lipi ni Benjamin. Hinipan niya ang trumpeta upang mapansin ng tao. Isinisigaw niya, “Umuwi na tayo, O Israel! Ano bang mapapala natin kay David? Ano bang nagawa para sa atin ng anak ni Jesse?”
2 Humiwalay nga kay David ang mga taga-Israel at sumama kay Seba. Ngunit nanatiling tapat ang mga taga-Juda kay David at buhat sa Jordan ay inihatid nila ang hari hanggang Jerusalem.
3 Pagdating doon, ipinakuha ni David ang sampung asawang-lingkod na iniwan niya upang mamahala sa palasyo. Pinapunta niya ang mga ito sa isang bahay, pinatira doon at pinabantayan. Pinadadalhan niya ang mga ito ng kanilang mga pangangailangan ngunit hindi na niya sila muling sinipingan. Kaya't namuhay silang parang mga biyuda hanggang sa sila'y mamatay.
4 Tinawag ng hari si Amasa at sinabi, “Tipunin mo ang mga kalalakihan ng Juda at dalhin mo sila rito sa loob ng tatlong araw.”
5 Sinikap ni Amasang sundin ang utos ng hari ngunit hindi niya naiharap dito ang mga kalalakihan ng Juda sa loob ng takdang panahon.
6 Dahil dito, tinawag ni David si Abisai. Sinabi niya, “Mas malaking gulo ang idudulot ni Seba kaysa kay Absalom. Kaya't isama mo ang aking mga tauhan at habulin ninyo siya. Baka may masakop siyang lunsod na may kuta at hindi na natin siya mahuli.”