15 Nalaman iyon ng mga tauhan ni Joab, kaya't kinubkob nila ang lunsod. Nagbunton sila ng lupa sa tabi ng pader para makasampa roon habang pinababagsak ng iba ang pader ng lunsod.
16 Ngunit isang matalinong babae ang nangahas tumayo sa isang mataas na lugar sa pader at mula roon ay nanawagan, “Makinig kayo! Makinig kayo! Sabihin ninyo kay Joab na pumarito. Gusto ko sana siyang makausap.”
17 Paglapit ni Joab, tinanong siya ng babae, “Kayo po ba si Joab?”“Ako nga,” sagot nito.“Pakinggan po ninyo ang aking sasabihin,” sabi ng babae.“Sige, nakikinig ako,” wika naman ni Joab.
18 “Noong araw,” sabi ng babae, “mayroon pong ganitong kasabihan: ‘Magtanong ka sa lunsod ng Abel’, at ganoon nga ang ginagawa ng mga tao noon upang malutas ang kanilang suliranin.
19 Sa buong Israel ang lunsod pong ito ay maituturing na pinakatahimik at tapat. Siya'y tulad ng isang mapag-arugang ina sa Israel. Bakit gusto ninyo itong gibain? Bakit ninyo wawasakin ang lunsod na ipinamana ni Yahweh?”
20 “Hindi ko gagawin iyan!” wika ni Joab. “Hindi namin gustong wasakin ang inyong lunsod.
21 Wala iyon sa plano namin. Hinahanap lang namin si Seba na naghihimagsik laban kay Haring David. Siya ay anak ni Bicri, at taga-bulubundukin ng Efraim. Isuko ninyo siya, at iiwan namin ang lunsod.”Sinabi ng babae, “Kung ganoon, ihahagis namin sa iyo ang kanyang ulo mula sa pader.”