21 Wala iyon sa plano namin. Hinahanap lang namin si Seba na naghihimagsik laban kay Haring David. Siya ay anak ni Bicri, at taga-bulubundukin ng Efraim. Isuko ninyo siya, at iiwan namin ang lunsod.”Sinabi ng babae, “Kung ganoon, ihahagis namin sa iyo ang kanyang ulo mula sa pader.”
22 Pumasok siya sa kabayanan, at palibhasa'y matalino, sumang-ayon sa kanya ang mga taong-bayan sa kanyang binabalak. Pinugutan nila ng ulo si Seba at inihagis ito kay Joab. Hinipan naman ni Joab ang trumpeta kaya't ang lunsod ay iniwan na ng kanyang mga kawal at sila'y nagsiuwian na. Si Joab nama'y bumalik sa Jerusalem at nagpunta sa hari.
23 Ito ang mga opisyal ng hukbo ni Haring David: Si Joab ang pinuno sa buong hukbo ng Israel. Si Benaias, anak ni Joiada, ang pinuno ng mga bantay na Kereteo at Peleteo.
24 Si Adoram naman ang tagapamahala sa lahat ng sapilitang paggawa. Si Jehoshafat, anak ni Ahilud, ang tagapag-ingat ng mga kasulatan,
25 at si Seva naman ang kalihim ng hari. Sina Zadok at Abiatar ang nagsilbing mga pari,
26 at si Ira na taga-Jair ay isa rin sa mga pari ni David.