6 Dahil dito, tinawag ni David si Abisai. Sinabi niya, “Mas malaking gulo ang idudulot ni Seba kaysa kay Absalom. Kaya't isama mo ang aking mga tauhan at habulin ninyo siya. Baka may masakop siyang lunsod na may kuta at hindi na natin siya mahuli.”
7 Sumama nga kay Abisai si Joab at ang mga tauhan niya, gayundin ang mga Peleteo at Kereteo, upang tugisin si Seba na anak ni Bicri.
8 Pagsapit nila sa may malaking bato sa Gibeon, sinalubong sila ni Amasa. Suot noon ni Joab ang kanyang kasuotang pandigma, at may dala siyang espada na nakakabit sa kanyang sinturon. Habang papalapit siya, nalaglag ang kanyang espada.
9 Sinabi niya, “Kumusta ka, kapatid ko!” sabay hawak ng kanang kamay sa balbas ni Amasa upang ito'y hagkan.
10 Hindi napapansin ni Amasa ang espadang hawak ni Joab sa kabilang kamay. Kaya't sinaksak siya nito sa tiyan. Lumuwa sa lupa ang bituka niya, at namatay agad sa saksak na iyon.Nagpatuloy ang magkapatid na Joab at Abisai sa kanilang pagtugis kay Seba.
11 Isang tauhan ni Joab ang tumayo sa may bangkay ni Amasa at sumigaw, “Ang lahat ng kakampi ni Joab at ni David ay sumunod kay Joab!”
12 Nakabulagta sa gitna ng lansangan ang bangkay ni Amasa, naliligo sa sariling dugo. Kaya, lahat ng makakita rito ay napapahinto. Nang mapuna ito ng isang tauhan ni Joab, hinila niya ang bangkay at inilayo sa daan, saka tinakpan ng damit.