3 Sumagot si Joab, “Sana'y loobin ni Yahweh, na paramihin ng sandaang ulit ang bilang ng sambayanan. At sana'y makita ninyo ang katuparan nito. Ngunit bakit gusto pa ninyong malaman ang bagay na ito?”
4 Ngunit iginiit ni David ang kanyang utos, kaya't lumakad sila upang isagawa ang pagbilang sa sambayanang Israel.
5 Tumawid sila ng Jordan at nagsimula sila sa Aroer tuloy sa lunsod sa gitna ng kapatagan patungong Gad hanggang sa Jazer.
6 Pagkatapos, tumuloy sila sa Gilead at sa Kades, sa lupain ng mga Heteo at nagtuloy hanggang sa Dan. Mula roo'y nagpunta sila sa Sidon at nagpatuloy
7 hanggang sa makarating sila sa may pader na lunsod ng Tiro. Nilibot nila ang lahat ng bayan ng mga Hivita at Cananeo at nagtapos sila sa Beer-seba sa katimugan ng Juda.
8 Nagbalik sila sa Jerusalem pagkatapos na malibot nila ang buong lupain sa loob ng siyam na buwan at dalawampung araw.
9 Iniulat ni Joab sa hari ang kabuuan ng lahat ng mga lalaking maaaring maglingkod sa hukbong sandatahan. Sa Israel ay 800,000 at sa Juda naman ay 500,000.