2 Akong ito'y pinupupog, sinisiil mo ng halik;ang dulot ng pag-ibig mo'y mainam pa sa alak.
3 Ang taglay mong halimuyak, saan kaya itutulad?Simbango ng pangalan mong ang samyo'y malaganap,kaya lahat ng dalaga ay iyo ngang nabibihag.
4 Ako ngayon ay narito, isama mo kahit saan,at ako ay iyong dalhin sa silid mong pahingahan.Tiyak akong liligaya ngayong ikaw ay narito,ang nais ko ay madama ang alab ng pag-ibig mo;pagsinta mo'y mas gusto ko kaysa alinmang inumin;hindi ako nagkamali na ikaw nga ang ibigin.
5 Dalaga sa Jerusalem, ang ganda ko'y kayumanggi;katulad ko'y mga toldang sa Kedar pa niyayari,tulad ko ri'y mga tabing sa palasyo ng hari.
6 Huwag akong hahamakin nang dahil sa aking kulay,pagkat itong aking balat ay nasunog lang sa araw.Itong mga kapatid ko'y hindi ako kinalugdan,nagkaisa silang ako'y pagbantayin ng ubasan.Pinagyama't sininop ko ang nasabing pataniman,anupa't ang sarili ay kusa kong napabayaan.
7 Itong aking pakiusap, O giliw kong minamahal,sa akin ay sabihin mo, pastulan ng iyong kawan;sa init ng katanghalian, pahingahan nila'y saan?Sa akin ay ituro mo nang ako ay di maligaw.
8 Kung nais mong malaman, O babaing napakaganda,ang dapat lang na gawin mo ay sundan ang mga tupa.Ang kawan ng mga kambing ay doon mo alagaansa tabi ng mga tolda ng pastol ng aking kawan.