6 Huwag mong pabayaang magkasala ka dahil sa iyong pananalita, mangangako ka at pagkatapos ay babawiin mo. Sa ganyan galit na galit ang Diyos. Kung magkagayon, hindi ka niya pagpapalain sa anumang iyong ginagawa.
7 Kaya, gaano man kadalas ang iyong panaginip, gaano man karami ang walang kabuluhan mong salita at gawa, magkaroon ka ng takot sa Diyos.
8 Huwag kang magtataka kung makita mong ang mahihirap ay inaapi ng mga nasa kapangyarihan. Alalahanin mong ganoon din ang ginagawa ng nakatataas sa kanila at bawat pinuno ay may nakasasakop ding mas mataas na pinuno.
9 Sa isang lupaing puno ng kasaganaan, ang hari ang may pinakamainam na kalagayan.
10 Ang gahaman sa salapi ay walang kasiyahan at ang sakim sa kayamanan ay hindi masisiyahan sa kaunting pakinabang. Ngunit ito man ay walang kabuluhan.
11 Habang lumalaki ang kayamanan, dumarami ang pangangailangan at ang tanging kasiyahan ng may-ari ay ang isiping siya ay mayaman.
12 Mahimbing ang tulog ng isang manggagawa, marami man o kaunti ang kanyang pagkain. Ngunit ang mayaman ay hindi man lamang dalawin ng antok.