1 Nang panahon ni Haring Xerxes ng Persia, ang sakop niya'y mula sa India hanggang Etiopia. Binubuo ito ng 127 lalawigan.
2 Ang kanyang palasyo ay nasa Lunsod ng Susa na siyang kapitolyo ng Persia.
3 Nang ikatlong taon ng kanyang paghahari, siya ay naghanda ng isang piging para sa kanyang mga pinuno, mga katulong sa palasyo, mga punong-kawal ng Persia at Media, pati mga maharlika at mga gobernador ng mga lalawigan.
4 Ipinagparangalan niya sa mga ito ang kayamanan ng kanyang kaharian at ang karangyaan ng kanyang pamumuhay. Ang piging ay tumagal nang 180 araw.
5 Pagkaraan nito, naghanda naman siya ng piging para sa lahat ng taga-Susa, dakila o hamak man. Ito'y ginanap sa patyo sa may hardin ng palasyo, at tumagal nang pitong araw.