2 Ang kanyang palasyo ay nasa Lunsod ng Susa na siyang kapitolyo ng Persia.
3 Nang ikatlong taon ng kanyang paghahari, siya ay naghanda ng isang piging para sa kanyang mga pinuno, mga katulong sa palasyo, mga punong-kawal ng Persia at Media, pati mga maharlika at mga gobernador ng mga lalawigan.
4 Ipinagparangalan niya sa mga ito ang kayamanan ng kanyang kaharian at ang karangyaan ng kanyang pamumuhay. Ang piging ay tumagal nang 180 araw.
5 Pagkaraan nito, naghanda naman siya ng piging para sa lahat ng taga-Susa, dakila o hamak man. Ito'y ginanap sa patyo sa may hardin ng palasyo, at tumagal nang pitong araw.
6 Puting-puti ang mga kurtina at maraming palawit na kulay asul. Ang mga tali nito'y nilubid na pinong lino at murado, at nakasabit sa mga argolyang pilak. Marmol ang mga haligi ng palasyo. Yari sa ginto't pilak ang mga upuan. Ang sahig ay mosaik na yari sa porfido, alabastro, nakar, at mamahaling bato.
7 Ang mga alak ay inihain sa mga kopitang ginto na iba't iba ang hugis. Napakaraming mamahaling alak ang inilabas; alak na angkop lamang sa isang hari.
8 Walang humpay ang pagpapamahagi ng inumin; ipinag-utos ng hari sa mga katulong na ibigay ang hilig ng bawat isa. Walang pilitan sapagkat ipinag-utos ng hari sa kanyang mga katulong na ibigay ang hilig ng bawat isa.