8 Bilang tugon sa utos ng hari tungkol sa paghahanap ng magagandang dalaga sa buong kaharian, napasama siya sa maraming dalagang tinipon sa palasyo sa pamamahala ni Hegai na tagapangasiwa sa harem.
9 Nakagaanan siya ng loob ni Hegai, kaya binigyan agad siya ng pagkain at mga pampaganda. Bukod dito, ipinili pa siya ng pinakamainam na tirahan sa harem at binigyan ng pitong katulong na babae.
10 Gayunpaman, hindi sinabi ni Ester kung saang lahi o sambahayan siya nagmula dahil iyon ang bilin sa kanya ni Mordecai.
11 Araw-araw naman, nagpupunta si Mordecai sa bulwagan ng harem upang alamin ang kalagayan ni Ester.
12 Bilang tuntunin, isang taon munang pagagandahin ang mga babae: anim na buwan silang pinapahiran ng langis at mira, at anim na buwan ding nilalagyan ng pabango at iba pang pampaganda. Pagkatapos, isa-isa silang inihaharap sa hari.
13 Bago humarap sa hari, ibinibigay sa kanila ang lahat ng maibigan nilang dalhin sa pagharap sa hari.
14 Bawat isa'y pumupunta sa hari sa gabi at kinabukasa'y dinadala sa isa pang harem nito na pinapamahalaan naman ng eunukong si Saasgaz. Sinumang pumunta sa hari ay hindi nakababalik sa palasyo kung hindi siya ipapatawag nito, lalo na kung hindi nasiyahan sa kanya ang hari.