1 Pagkatapos ng mga pangyayaring ito, itinaas ni Haring Xerxes sa tungkulin si Haman na anak ni Hamedata, isang Agagita. Ginawa niya itong punong ministro.
2 Lahat ng tauhan sa bulwagan ng palasyo ay yumuyukod at lumuluhod sa harap ni Haman bilang pagsunod sa utos ng hari. Ngunit si Mordecai ay hindi yumuyukod at lumuluhod.
3 Tinanong siya ng mga tauhan sa pintuan ng palasyo, “Bakit ayaw mong sundin ang utos ng hari?”
4 Araw-araw ay sinasabi nila ito sa kanya ngunit ayaw pa rin niyang sumunod. Kaya isinumbong nila si Mordecai kay Haman para malaman kung pagbibigyan siya ni Haman, sapagkat sinasabi ni Mordecai na siya'y isang Judio.
5 Nang mapatunayan ni Haman na hindi nga yumuyukod at lumuluhod si Mordecai, sumiklab ang galit nito.