8 Binigyan pa siya ni Mordecai ng isang kopya ng sulat ng hari para ipakita kay Ester. Ipinakiusap din niyang ipaliwanag kay Ester ang buong pangyayari upang ipagbigay-alam iyon sa hari.
9 Pagkatapos ng kanilang pag-uusap, nagbalik si Hatac kay Ester at isinaysay ang lahat ng sinabi ni Mordecai.
10 Si Hatac ay pinabalik ni Ester kay Mordecai at ganito ang ipinasabi:
11 “Alam na alam ng lahat na walang itinatangi ang batas ng kaharian. Sinumang lumapit sa hari, maging lalaki o babae, nang hindi ipinapatawag ay papatayin maliban kung ipatong sa kanya ang gintong setro. Tatlumpung araw na akong hindi ipinapatawag ng hari.”
12 Nang matanggap ni Mordecai ang sagot ni Ester,
13 ganito naman ang ipinasabi niya: “Huwag mong aakalaing dahil nakatira ka sa palasyo ay ikaw lamang ang makakaligtas sa lahat ng mga Judio.
14 Kapag ipinagwalang-bahala mo ang pangyayaring ito, tiyak na may magliligtas din sa mga Judio, ngunit malilipol ka at ang iyong angkan. Anong malay mo? Baka nga napunta ka riyan para maging kasangkapan sa ganitong pagkakataon!”