4 Nagtanong ang hari, “Sino ba ang nasa bulwagan?”Samantala, noon ay papasok sa bulwagan si Haman upang sabihin sa hari na maaari nang bitayin si Mordecai sa ipinagawa niyang bitayan.
5 Sinabi ng mga tagapaglingkod ng hari, “Si Haman po.”At sinabi ng hari, “Palapitin ninyo siya rito.”
6 Lumapit naman si Haman. Itinanong sa kanya ng hari, “Ano ang dapat gawin sa sinumang ibig parangalan ng hari?”Akala ni Haman ay siya ang tinutukoy ng hari,
7 kaya sinabi niya, “Ganito po:
8 Ipakuha ninyo ang damit na inyong isinuot at ang kabayong inyong sinakyan nang kayo'y koronahan bilang hari.
9 Ang damit ay ibigay sa isa sa mga pangunahing pinuno ng kaharian para isuot sa pararangalan. Pagkatapos, isakay sa kabayo at ilibot sa buong lunsod habang isinisigaw ang: ‘Ito ang ginagawa sa taong pinaparangalan ng hari!’”
10 Sinabi ng hari kay Haman, “Kung gayon, kunin mo ang aking damit at ang aking kabayo. Lahat ng sinabi mo'y gawin mo kay Mordecai, ang Judiong nakaupo sa may pintuan ng palasyo.”