2 Ang singsing na pantatak ng hari ay kinuha kay Haman at ibinigay kay Mordecai na siyang ginawang katiwala ni Ester sa dating bahay ni Haman.
3 Minsan pang lumapit si Ester kay Haring Xerxes at lumuluhang idinulog dito ang utos tungkol sa paglipol sa mga Judio na binalak ni Haman na Agagita.
4 Itinuro ng hari ang kanyang setro kay Ester. Tumayo naman si Ester at kanyang sinabi,
5 “Kung mamarapatin ninyo at makalulugod sa inyo, Kamahalan, nais kong hilingin na inyong ipawalang-bisa ang utos na pinakalat ni Haman na Agagita, anak ni Hamedata, laban sa mga Judio sa inyong kaharian.
6 Hindi ko po makakayanang makita na nililipol at pinapatay ang aking mga kalahi.”
7 Sinabi ni Haring Xerxes kay Reyna Ester at kay Mordecai na Judio, “Ang ari-arian ni Haman ay ibinigay ko na kay Ester. Ipinabitay ko na si Haman dahil sa masama niyang balak sa mga Judio.”
8 Sinabi rin ng hari sa kanila, “Gumawa ka ng isang utos para sa mga Judio at isulat ninyo rito ang gusto ninyong isulat sa pangalan ko, at tatakan mo ng aking singsing. Sapagkat walang sinumang makapagpapawalang-bisa sa utos ng hari lalo na kung ito'y tinatakan ng singsing ng hari.”