8 Sinabi rin ng hari sa kanila, “Gumawa ka ng isang utos para sa mga Judio at isulat ninyo rito ang gusto ninyong isulat sa pangalan ko, at tatakan mo ng aking singsing. Sapagkat walang sinumang makapagpapawalang-bisa sa utos ng hari lalo na kung ito'y tinatakan ng singsing ng hari.”
9 Nang ikadalawampu't tatlong araw ng ikatlong buwan, ipinatawag lahat ang mga kalihim ng hari. Ipinasulat ni Mordecai sa kanila ang isang liham tungkol sa mga Judio upang ipadala sa mga gobernador at mga tagapangasiwa at mga pinuno ng 127 lalawigan, mula sa India hanggang Etiopia. Ang utos ay nakasulat sa wikang ginagamit sa lugar na padadalhan.
10 Ang sulat na ito ay sa pangalan ni Haring Xerxes, at may tatak ng singsing nito. Pagkatapos, ipinadala sa mga tagahatid-sulat, sakay ng mabibilis nilang kabayo mula sa kuwadra ng hari.
11 Sa pamamagitan ng sulat na ito, ipinahihintulot ni Haring Xerxes na magsama-sama ang mga Judio upang ipagtanggol ang kanilang sarili laban sa sinumang sasalakay sa kanila mula sa alinmang lalawigan. Pinahihintulutan din silang patayin, lipulin at samsaman ng ari-arian ang hukbong sasalakay sa kanila, pati ang mga kababaihan at mga bata.
12 Gagawin nila ito sa buong kaharian sa loob ng isang araw, sa ikalabintatlo ng ikalabindalawang buwan ng taon.
13 Bawat lalawigan ay padadalhan ng sipi nito at ipahahayag sa lahat ng tao para makapaghanda ang mga Judio sa araw na yaon laban sa kanilang mga kaaway.
14 Kaya, ang mga tagahatid-sulat ay nagmamadaling lumakad, sakay ng mabibilis na kabayo ng hari at sinunod agad ang utos ng hari. Ang utos ay ikinalat din sa Lunsod ng Susa.