11 Nang araw ring iyon, umabot sa kaalaman ng hari ang bilang ng napatay sa Lunsod ng Susa.
12 Sinabi ng hari kay Reyna Ester, “Sa Susa lamang, limandaan na ang napatay, kasama na ang sampung anak na lalaki ni Haman. Ano kaya ang nangyari sa ibang lalawigan? Ngayon, sabihin mo sa akin kung ano pa ang gusto mo at ibibigay ko sa iyo.”
13 Sinabi ni Ester, “Kung mamarapatin po ng hari ay pahintulutan ang mga Judio rito sa Susa na ituloy hanggang bukas ang inyong utos. At kung maaari, ipabitin sa bitayan ang bangkay ng mga anak ni Haman!”
14 Iniutos nga ng hari na ibitin ang bangkay ng sampung anak ni Haman.
15 Kinabukasan, muling nagsama-sama ang mga Judio sa Susa at nakapatay pa sila ng tatlong daan. Subalit hindi rin nila sinamsam ang ari-arian ng kanilang mga napatay.
16 Ang mga Judio sa iba't ibang panig ng kaharian ay nagsama-sama rin upang ipagtanggol ang kanilang sarili at lupigin ang kanilang mga kaaway. Umabot sa pitumpu't limanlibo ang kanilang napatay ngunit hindi nila sinamsam ang ari-arian ng mga ito.
17 Ginawa nila ito nang ikalabintatlong araw ng ikalabindalawang buwan. At nang ikalabing apat na araw, namahinga sila at maghapong nagdiwang.