15 Kinabukasan, muling nagsama-sama ang mga Judio sa Susa at nakapatay pa sila ng tatlong daan. Subalit hindi rin nila sinamsam ang ari-arian ng kanilang mga napatay.
16 Ang mga Judio sa iba't ibang panig ng kaharian ay nagsama-sama rin upang ipagtanggol ang kanilang sarili at lupigin ang kanilang mga kaaway. Umabot sa pitumpu't limanlibo ang kanilang napatay ngunit hindi nila sinamsam ang ari-arian ng mga ito.
17 Ginawa nila ito nang ikalabintatlong araw ng ikalabindalawang buwan. At nang ikalabing apat na araw, namahinga sila at maghapong nagdiwang.
18 Sa Lunsod ng Susa, dalawang araw na nagtipon ang mga Judio noong ikalabintatlo at ikalabing apat na araw. Ikalabing limang araw nang sila'y tumigil at nagdiwang buong maghapon.
19 Ito ang dahilan kung bakit ang mga Judio sa labas ng Susa ay nagdiriwang nang ikalabing apat na araw ng ikalabindalawang buwan. Maghapon silang nagpista at nagbigayan ng mga pagkain bilang regalo sa isa't isa.
20 Ang mga pangyayaring ito'y isinulat ni Mordecai, at sinulatan niya ang lahat ng Judio malayo man o malapit sa kaharian ni Haring Xerxes.
21 Ipinag-utos niya na ipagdiwang taun-taon ang ikalabing apat at ikalabing limang araw ng ikalabindalawang buwan.