10 Tinanong din po namin ang kanilang mga pangalan upang maipaalam namin sa inyo kung sinu-sino ang mga nangunguna sa gawaing iyon.
11 “Sinagot po nila kami ng ganito: ‘Kami ang mga lingkod ng Diyos ng langit at lupa, at muli naming itinatayo ang Templo na noong unang panahon ay ipinatayo ng isang makapangyarihang hari ng Israel.
12 Ngunit dahil ginalit ng aming mga ninuno ang Diyos ng kalangitan, sila ay pinabayaan niyang sakupin ng Caldeong si Nebucadnezar, hari ng Babilonia. Winasak ni Nebucadnezar ang Templong ito at ang mga tao ay dinala niyang bihag sa Babilonia.
13 Ngunit, noong unang taon ng paghahari ni Ciro sa Babilonia, nagpalabas ito ng utos para muling itayo ang Templo ng Diyos.
14 Ipinabalik rin ni Haring Ciro ang mga kagamitang ginto at pilak sa Templo. Ang mga iyon ay kinuha ni Nebucadnezar mula sa Templo ng Jerusalem at inilagay sa kanyang templo sa Babilonia. Kaya ipinagkatiwala ni Haring Ciro ang mga kagamitang ito kay Sesbazar na itinalaga niya bilang gobernador ng mga Judio.
15 Sinabi ng hari kay Sesbazar na dalhin ang mga iyon at ilagay sa Templo sa Jerusalem. Iniutos din niya na muling itayo ang Templo sa dati nitong lugar.
16 Kaya't naparito nga si Sesbazar at inilagay ang mga pundasyon ng Templo ng Diyos sa Jerusalem. Noon sinimulan ang pagtatayo ng Templo na nagpapatuloy hanggang sa kasalukuyan. Sa katunayan nga'y hindi pa ito tapos.’