4 Nakaupo ako roon na nagdadalamhati hanggang sa oras ng panggabing handog. Maya-maya ay nagdatingan na ang mga tao sa paligid ko. Sila ang mga nabagabag dahil alam nila ang sinabi ng Diyos ng Israel tungkol sa kataksilan ng mga bumalik mula sa pagkabihag.
5 Nang oras na ng pag-aalay ng panggabing handog, tumayo ako sa aking pagdadalamhati na suot pa rin ang aking sirang damit. Lumuhod ako at nanalanging nakataas ang mga kamay kay Yahweh na aking Diyos.
6 Sinabi ko sa kanya, “O Diyos, wala po akong mukhang maiharap sa inyo, sapagkat ang aming kasamaan ay patung-patong na at ngayo'y lampas na sa aming mga ulo. Ang aming kasalanan ay abot na sa langit.
7 Mula pa sa panahon ng aming mga ninuno hanggang ngayon, kami po na inyong bayan ay lubog na sa kasalanan. Dahil po sa aming mga kasalanan, kami—pati ang aming mga hari at mga pari—ay pinabayaan ninyong madaig at masakop ng mga hari ng ibang mga lupain. Pinagpapatay nila kami, binihag, at pinagnakawan. Ganap ang pagyurak na nangyari sa amin maging hanggang sa kasalukuyan.
8 Gayunman, Yahweh na aming Diyos, pinakitaan pa rin ninyo kami ng kagandahang-loob maging ito ma'y sa isang maikling panahon lamang. Ilang tao ang pinalaya ninyo mula sa pagkaalipin at ligtas na pinatira sa banal na dakong ito upang bigyan ninyo ng bagong pag-asa at buhay.
9 Kami po'y mga alipin ngunit hindi ninyo pinabayaan sa pagkaalipin. Sa halip, ipinakita ninyo ang inyong tapat na pag-ibig nang inudyukan ninyo ang mga hari ng Persia na sumang-ayon sa amin at pahintulutan kaming mamuhay at muling itayo ang Templo na noo'y wasak na wasak. Iningatan din ninyo kami sa Juda at sa Jerusalem.
10 “Ngunit ngayon, O aming Diyos, ano pa ang masasabi namin pagkatapos ng lahat ng ito? Muli naming sinuway ang inyong mga utos