7 Mula pa sa panahon ng aming mga ninuno hanggang ngayon, kami po na inyong bayan ay lubog na sa kasalanan. Dahil po sa aming mga kasalanan, kami—pati ang aming mga hari at mga pari—ay pinabayaan ninyong madaig at masakop ng mga hari ng ibang mga lupain. Pinagpapatay nila kami, binihag, at pinagnakawan. Ganap ang pagyurak na nangyari sa amin maging hanggang sa kasalukuyan.
8 Gayunman, Yahweh na aming Diyos, pinakitaan pa rin ninyo kami ng kagandahang-loob maging ito ma'y sa isang maikling panahon lamang. Ilang tao ang pinalaya ninyo mula sa pagkaalipin at ligtas na pinatira sa banal na dakong ito upang bigyan ninyo ng bagong pag-asa at buhay.
9 Kami po'y mga alipin ngunit hindi ninyo pinabayaan sa pagkaalipin. Sa halip, ipinakita ninyo ang inyong tapat na pag-ibig nang inudyukan ninyo ang mga hari ng Persia na sumang-ayon sa amin at pahintulutan kaming mamuhay at muling itayo ang Templo na noo'y wasak na wasak. Iningatan din ninyo kami sa Juda at sa Jerusalem.
10 “Ngunit ngayon, O aming Diyos, ano pa ang masasabi namin pagkatapos ng lahat ng ito? Muli naming sinuway ang inyong mga utos
11 na sa ami'y ibinigay ninyo sa pamamagitan ng mga lingkod ninyong propeta. Sinabi nila sa amin na ang lupaing aming papasukin at aariin ay isang maruming lupain sapagkat ang mga nakatira rito ay punung-puno ng mga gawaing karumal-dumal.
12 Sinabi rin nila sa amin na kailanma'y huwag kaming mag-aasawa sa mga iyon at huwag din naming tulungang umunlad ang kanilang kabuhayan, kung gusto naming pakinabangan ang mga pagpapala sa lupaing iyon at maipamana namin ito sa aming mga susunod na salinlahi magpakailanman.
13 Kahit naranasan na namin ang inyong parusa dahil sa aming mga kasalanan at kamalian, alam namin, O aming Diyos, na ang parusang iginawad ninyo sa amin ay kulang pa sa dapat naming tanggapin; sa halip, pinahintulutan pa ninyo kaming mabuhay.