2 Ang lunsod ay pinaligiran niya ng muog; bawat tipak ng batong ginamit dito ay mahigit isa't kalahating metro ang kapal at tatlong metro naman ang haba. Pinataas niya ng tatlumpu't isa't kalahating metro ang muog na ito at dalawampu't dalawa't kalahating metro naman ang kapal.
3 Nagpagawa rin siya ng mga tore sa bawat pintuang-pasukan. Ang sukat nito'y apatnapu't limang metro ang taas at dalawampu't pitong metro ang kapal sa pinakapuno.
4 Bawat pintuang-pasukan ay tatlumpu't isa't kalahating metro ang taas at labing-walong metro ang luwang upang madaling makapaglabas-masok ang mga hukbong nakakarwahe at mga sundalo.
5 Sa panahong iyon, nakipagdigma si Haring Nebucadnezar kay Haring Arfaxad sa malawak na kapatagang sakop ng Rages.
6 Maraming bansa ang tumulong kay Haring Arfaxad—lahat ng naninirahan sa mga bulubundukin, lahat ng taga-Eufrates, Tigris, at Hidaspes, at ang mga naninirahan sa mga kapatagang nasasakupan ni Arioc, ang hari ng mga Elamita. Napakaraming bansa ang kumampi sa Babilonia sa digmaang iyon.
7 Si Haring Nebucadnezar ay nagpadala ng mga sugo sa lahat ng naninirahan sa Persia at sa kanluran. Ito ang mga taga-Cilicia, Damasco, Lebanon at Anti-Lebanon, ang lahat ng naninirahan sa baybay-dagat,
8 gayon din ang mga taga-Carmel, Gilead, hilagang bahagi ng Galilea, at ang mga nasa kapatagan ng Jezreel.