10 at lumabas si Judith, kasama ang kanyang lingkod. Sinundan siya ng tingin ng mga kalalakihan sa bayan habang bumababa ng burol hanggang sa makatawid ng kapatagan at hindi na nila makita.
11 Nang ang dalawang babae ay dumadaan sa kapatagan, nasalubong nila ang isang pangkat ng mga kawal na taga-Asiria na nagpapatrolya.
12 Pinigil nila si Judith at tinanong, “Anong lahi ka? Saan ka nanggaling, at saan ka pupunta?”Sumagot si Judith, “Ako'y isang Hebreo, ngunit tumakas ako sa aking bayan sapagkat sila'y mahuhulog sa inyong mga kamay at masasawi.
13 Pupunta ako kay Holofernes na inyong pinuno; may dala akong ulat para sa kanya. Maituturo ko sa kanya ang daanan papasok sa lunsod na nasa burol upang masakop niya ang buong bayang iyon nang walang mamamatay ni isa man.”
14 Habang nakikinig kay Judith ang mga lalaki, minamasdan nila ang mukha niya dahil hangang-hanga sila sa taglay niyang kariktan.
15 “Ligtas ka na,” sabi nila, “sapagkat naisipan mong puntahan agad ang aming panginoon. Pumunta ka na sa kanyang tolda. Sasamahan ka ng ilan sa amin upang iharap sa kanya.
16 Huwag kang matatakot sa kanya. Sabihin mo ang iyong sinabi sa amin, at pagpapakitaan ka niya ng kabutihang-loob.”