11 “Subalit hindi kayo mabibigo ngayon, panginoon, sapagkat nakatakda na silang mamatay. Nasa ilalim sila ng kapangyarihan ng kasalanan, at kapag sila'y gumawa ng kamalian, mag-aalab sa kanila ang poot ng Diyos.
12 Dahil sa pagkaubos ng pagkain at inumin, ipinasya nilang patayin ang kanilang mga hayop, at kumain na rin ng mga bagay na ipinagbabawal ng Diyos na kainin.
13 Ipinasya rin nilang kainin pati ang mga unang aning trigo at mga ikasampung bahagi ng alak at langis bagaman ito'y itinalaga at inilaan para sa mga pari na naglilingkod sa aming Diyos sa Templo ng Jerusalem—walang ibang dapat gumalaw niyon.
14 Nagsugo sila ng ilan para humingi ng pahintulot sa mga pinuno sa Jerusalem, sapagkat ang mga tagaroon ay gumawa na rin nito.
15 Sa sandaling tumanggap sila ng pasabi tungkol dito at kanilang isagawa ito, sa araw ring iyon ay ipalilipol sila sa inyo.
16 “Kaya't nang ito'y malaman ko, lumayo ako sa kanila. At dinala ako rito ng Diyos upang gawing kasama ninyo ang mga bagay na ikamamangha ng sanlibutan, kapag nabalitaan ng mga tao.
17 Ako na inyong alipin ay babaing relihiyosa. Araw-gabi, sinasamba ko ang Diyos na nasa langit. Mananatili ako rito, panginoon ko, at gabi-gabi, pupunta ako sa kapatagan at mananalangin sa Diyos. Ipapaalam niya sa akin kung nagkasala na sila.