18 Agad akong babalik at sasabihin ito sa inyo; at pangunahan na ninyo ang inyong mga kawal. Hindi makakalaban sa inyo ang sinuman sa kanila.
19 Ituturo ko sa inyo ang daang patawid sa Juda hanggang marating ninyo ang Jerusalem, at ilalagay ko ang inyong trono sa gitna ng lunsod. Susunod sila sa inyo na parang mga tupang nawalan ng pastol. Kahit na isang aso'y hindi tatahol sa inyo. Ipinahayag sa akin ng Diyos ang mga magaganap na ito at isinugo ako upang ipahayag naman sa inyo.”
20 Nasiyahan si Holofernes at ang lahat ng kasama niya sa mga sinabing iyon ni Judith. Namangha sila sa kanyang karunungan.
21 Sabi nila, “Sa buong daigdig ay walang babaing makakapantay sa kagandahan at katalinuhan niya.”
22 At sinabi ni Holofernes, “Salamat sa Diyos sa pagsusugo sa iyo rito mula sa inyong bayan upang bigyan kami ng tagumpay at ng kapahamakan naman sa mga humamak sa aking hari!
23 Napakaganda mo at mabubuti ang iyong sinabi. Kung gagawin mo ang iyong ipinangako, ang iyong Diyos ay magiging aking Diyos. Ikaw naman ay titira sa palasyo ni Haring Nebucadnezar at matatanyag sa buong daigdig!”