2 Hindi ko pag-iisipang digmain ang mga kababayan mong nakatira sa kaburulan kung di nila ako hinamak. Sila na rin ang nag-udyok sa akin na gawin ito.
3 Ngayon, sabihin mo kung bakit ka humiwalay sa kanila at umaanib sa amin. Nailigtas mo ang iyong buhay sa iyong pagparito. Pumanatag ka. Ligtas ka na sa panganib.
4 Walang sinumang mananakit sa iyo rito. Papakitunguhan ka tulad ng mga nasasakupan ng aking panginoon na si Haring Nebucadnezar.”
5 Sumagot si Judith, “Panginoon ko, pahintulutan po ninyong makapagsalita ang inyong abang alipin. Ang sasabihin ko sa inyo sa gabing ito'y siyang katotohanan.
6 Kung susundin ninyo ang aking ipapayo, gagawa ang Diyos ng isang bagay sa pamamagitan ninyo, at tiyak na kayo'y hindi mabibigo.
7 Mabuhay si Nebucadnezar, hari ng buong lupa, ang makapangyarihang nagsugo sa inyo upang magbigay-kaayusan sa lahat ng nilalang, at sumusumpa ako sa pangalan ng hari. Sa pamamagitan ninyo, hindi lamang mga tao ang naglilingkod sa kanya; maging ang maiilap na hayop, mga baka, at mga ibon ay naglilingkod din sa kanya. Utang nila sa inyong kapangyarihan ang kanilang buhay habang naghahari si Nebucadnezar.
8 Nabalitaan namin ang tungkol sa inyong karunungan at kakayahan. Alam ng buong daigdig na sa buong Imperyo ng Asiria, kayo'y walang kapantay sa karunungan at kasanayan bilang mandirigma.