1 Pagkatapos, iniutos ni Holofernes na dalhin si Judith sa kinalalagyan ng kanyang hapag na may nakahanda nang mga kagamitang pilak. Nagpahanda siya ng pagkain para sa babae at nagpalabas din ng alak mula sa mga pagkain at inuming nakalaan para sa kanyang sarili.
2 Subalit tumanggi si Judith, “Hindi po ako makakakain niyan, dahil susuway ako sa aming kautusan.
3 Kakainin ko na lang po ang baon ko.”Ngunit ang sabi ni Holofernes, “Kung maubos na ang baon mo, saan kami magpapakuha ng ganyan? Wala ka namang kalahi dito sa aming kampo.”
4 Sumagot si Judith, “Kung paanong ikaw ay buháy, panginoon ko, tinitiyak ko sa inyo na hindi mauubos ang dala kong pagkain bago gawin ng Panginoon sa pamamagitan ko ang kanyang itinakda.”
5 Dinala siya ng mga tauhan ni Holofernes sa isang tolda at doon siya natulog.
6 Nang madaling-araw na, gumising si Judith at nagpasabi kay Holofernes, “Panginoon, maaari po bang iutos ninyong ako'y payagang lumabas at manalangin?”
7 Iniutos naman ni Holofernes sa kanyang mga tauhan na palabasin sa kampo ang babae. Tatlong araw siyang namalagi sa kampo at gabi-gabi'y lumalabas siya sa kapatagan ng Bethulia upang maligo sa bukal.