Judith 13:12-18 MBB05

12 Nang marinig ng mga mamamayan ang kanyang tinig, nagmamadali silang pumunta sa pintuang-pasukan at tinawag ang pinuno ng bayan.

13 Nagtakbuhan ang lahat, matanda't bata, at hindi halos makapaniwalang si Judith ay nakabalik. Binuksan nila ang pinto at pinatuloy ang dalawang babae. Nagsindi pa sila ng sulo para siya makita, at pinagkalipumpunan ang dalawa.

14 Malakas na sinabi ni Judith, “Purihin ang Diyos! O purihin natin siya! Purihin ang Diyos na hindi nagkakait ng awa sa sambahayan ni Israel. Ngayong gabi'y dinurog niya ang ating mga kaaway sa pamamagitan ko.”

15 At kinuha niya ang sisidlan at ipinakita sa kanila ang laman. “Tingnan ninyo!” aniya, “Narito ang ulo ni Holofernes na punong tagapagpaganap ng mga taga-Asiria! Narito rin ang kulambong ginamit niya samantalang nakahiga siyang lasing na lasing! Ginamit ng Panginoon ang isang babae para patayin siya.

16 Bagama't ang aking mukha ang umakit sa kanya tungo sa kapahamakan, ang Panginoon ang nag-iingat sa akin kaya hindi niya ako nagalaw. Nanatiling walang dungis ang pagkababae ko.”

17 Namangha ang mga tao. At kasabay ng pagpapatirapa bilang pagsamba sa Diyos, sabay-sabay silang nagsabi, “Purihin ang Panginoon nating Diyos! Hiniya niya sa araw na ito ang mga kaaway natin.”

18 At sinabi ni Uzias kay Judith, “Anak, sumasaiyo ang pagpapala ng Diyos na Kataas-taasan. Higit kang pinagpala kaysa lahat ng babae sa lupa. Purihin ang Panginoon, ang Diyos na lumalang sa langit at lupa. Siya ang tumulong sa iyo para pugutan ang pinunong kaaway.