17 Namangha ang mga tao. At kasabay ng pagpapatirapa bilang pagsamba sa Diyos, sabay-sabay silang nagsabi, “Purihin ang Panginoon nating Diyos! Hiniya niya sa araw na ito ang mga kaaway natin.”
18 At sinabi ni Uzias kay Judith, “Anak, sumasaiyo ang pagpapala ng Diyos na Kataas-taasan. Higit kang pinagpala kaysa lahat ng babae sa lupa. Purihin ang Panginoon, ang Diyos na lumalang sa langit at lupa. Siya ang tumulong sa iyo para pugutan ang pinunong kaaway.
19 Ang pananalig sa Diyos na nag-udyok sa iyo ay hindi na mapaparam sa isip ng mga tao habang ginugunita nila ang kapangyarihan ng Diyos.
20 Ang iyong ginawa ay maghatid nawa sa iyo ng karangalan sa habang panahon, at ng maraming pagpapala! Inilagay mo sa panganib ang iyong buhay alang-alang sa ating bayan nang ito'y nabibingit sa malaking kahihiyan. Matatag mong tinalunton ang matuwid na daan ng Diyos.”Tumugon ang lahat, “Amen! Amen!”