2 Naiwan si Judith sa loob ng tolda, walang kasama kundi si Holofernes na nakabulagta sa kanyang higaan dahil sa labis na kalasingan.
3 Sa labas ng tolda, naghihintay ang lingkod ni Judith sa kanyang paglabas upang manalangin, tulad ng ginagawa niya araw-araw. Nasabi na rin ni Judith kay Bagoas bago ito lumabas, na siya ay lalabas at mananalangin gaya ng nakagawian.
4 Nang makaalis na ang lahat at walang natira kundi siya, si Judith ay tumayo sa tabi ng higaan ni Holofernes at tahimik na nanalangin. “Panginoong Diyos na Makapangyarihan sa lahat, pagpalain po ninyo ako sa aking gagawin upang maghatid ito ng kadakilaan sa Jerusalem.
5 Sapagkat ngayon na ang panahon para tulungan ninyo ang inyong bayan at papagtagumpayin ang aking balak na paglupig sa mga kaaway na nakahandang sumalakay sa amin.”
6 Pagkasambit nito, lumapit siya sa may ulunan ni Holofernes,
7 at kinuha niya ang tabak nito sa kinasasabitan, at paglapit sa tabi ng higaan, dinaklot niya ang buhok ng lalaki. “Palakasin mo po ako, Panginoong Diyos ng Israel, para magawâ ko ito,” sabi niya.
8 Pagkatapos, makalawang ulit niyang tinaga nang ubod-lakas ang leeg nito, at natigpas ang ulo.