4 Nang makaalis na ang lahat at walang natira kundi siya, si Judith ay tumayo sa tabi ng higaan ni Holofernes at tahimik na nanalangin. “Panginoong Diyos na Makapangyarihan sa lahat, pagpalain po ninyo ako sa aking gagawin upang maghatid ito ng kadakilaan sa Jerusalem.
5 Sapagkat ngayon na ang panahon para tulungan ninyo ang inyong bayan at papagtagumpayin ang aking balak na paglupig sa mga kaaway na nakahandang sumalakay sa amin.”
6 Pagkasambit nito, lumapit siya sa may ulunan ni Holofernes,
7 at kinuha niya ang tabak nito sa kinasasabitan, at paglapit sa tabi ng higaan, dinaklot niya ang buhok ng lalaki. “Palakasin mo po ako, Panginoong Diyos ng Israel, para magawâ ko ito,” sabi niya.
8 Pagkatapos, makalawang ulit niyang tinaga nang ubod-lakas ang leeg nito, at natigpas ang ulo.
9 Iginulong niyang pahulog sa higaan ang katawan at kinuha ang kulambo sa kinasasabitan. Ilang sandali pa'y lumabas na siya at ibinigay sa lingkod ang ulo ni Holofernes.
10 Isinilid ito ng lingkod sa dala niyang sisidlan ng pagkain.Magkasamang lumabas ang dalawang babae, gaya ng karaniwan nilang ginagawa kapag patungo sa pananalangin. Tinawid nila ang kampo, bumabâ sa kapatagan, at umakyat sa burol papuntang Bethulia hanggang sa makarating sa pintuang-pasukan.