Judith 13:9-15 MBB05

9 Iginulong niyang pahulog sa higaan ang katawan at kinuha ang kulambo sa kinasasabitan. Ilang sandali pa'y lumabas na siya at ibinigay sa lingkod ang ulo ni Holofernes.

10 Isinilid ito ng lingkod sa dala niyang sisidlan ng pagkain.Magkasamang lumabas ang dalawang babae, gaya ng karaniwan nilang ginagawa kapag patungo sa pananalangin. Tinawid nila ang kampo, bumabâ sa kapatagan, at umakyat sa burol papuntang Bethulia hanggang sa makarating sa pintuang-pasukan.

11 Nang malapit na sila, tumawag si Judith sa mga bantay sa pintuang-pasukan, “Buksan ninyo ang pinto! Ang Diyos, ang ating Diyos, ay sumasaatin. Ipinapakita pa rin niya sa Israel ang kanyang kalakasan at kapangyarihan laban sa ating mga kaaway. Ito'y pinatunayan niya ngayon!”

12 Nang marinig ng mga mamamayan ang kanyang tinig, nagmamadali silang pumunta sa pintuang-pasukan at tinawag ang pinuno ng bayan.

13 Nagtakbuhan ang lahat, matanda't bata, at hindi halos makapaniwalang si Judith ay nakabalik. Binuksan nila ang pinto at pinatuloy ang dalawang babae. Nagsindi pa sila ng sulo para siya makita, at pinagkalipumpunan ang dalawa.

14 Malakas na sinabi ni Judith, “Purihin ang Diyos! O purihin natin siya! Purihin ang Diyos na hindi nagkakait ng awa sa sambahayan ni Israel. Ngayong gabi'y dinurog niya ang ating mga kaaway sa pamamagitan ko.”

15 At kinuha niya ang sisidlan at ipinakita sa kanila ang laman. “Tingnan ninyo!” aniya, “Narito ang ulo ni Holofernes na punong tagapagpaganap ng mga taga-Asiria! Narito rin ang kulambong ginamit niya samantalang nakahiga siyang lasing na lasing! Ginamit ng Panginoon ang isang babae para patayin siya.