1 Ang mga sundalong nasa loob ng mga tolda naman ay nabigla nang malaman ang nangyari,
2 at nangatal silang lahat sa takot. At nagkagulu-gulo na. Nagkanya-kanya sila ng takbo patungo sa iba't ibang panig para makatakas. May nagtakbuhan sa mga daan, may nakarating sa kapatagan at sa kabundukan.
3 Umatras din ang mga inatasang magbantay sa palibot ng mga burol ng Bethulia, at sa kanilang pagtakas, sinagupa sila ng mga taga-Israel.
4 Nagsugo si Uzias sa Bethomestaim, sa Bebai, sa Choba, sa Kola, at sa buong bayang Israel upang ibalita ang nangyari, at upang himukin silang lumabas para patayin ang mga kaaway.
5 At nang matanggap ang balitang ito, nagkaisa silang harapin ang kalaban, at napatay nga nila ang mga ito hanggang sa Choba. Dumating din ang mga nasa Jerusalem at mga nakatira sa kaburulan sapagkat ibinalita rin sa kanila ang nangyari sa kampo ng kaaway. Pinakamaraming napatay ang mga taga-Gilead at Galilea, sapagkat lumabas sila hanggang sa hangganan ng Damasco.
6 Ang iba pang naninirahan sa Bethulia ay sumalakay sa kampo ng mga taga-Asiria at napakaraming nasamsam na kayamanan.
7 Nang magbalik buhat sa pamumuksa ang mga lalaking Israelita, kinuha nila ang natirang masasamsam. Pati ang nasa mga nayon at bayan sa kaburulan ay maraming nakuha sapagkat talagang napakarami ng kayamanang naroon.