7 Nang magbalik buhat sa pamumuksa ang mga lalaking Israelita, kinuha nila ang natirang masasamsam. Pati ang nasa mga nayon at bayan sa kaburulan ay maraming nakuha sapagkat talagang napakarami ng kayamanang naroon.
8 Pagkatapos, dumating si Joakim, ang pinakapunong pari, at ang mga bumubuo ng sanggunian ng bansang Israel mula sa Jerusalem. Nakita nila ang kahanga-hangang ginawa ng Panginoon para sa Israel at nais din nilang makaharap at batiin si Judith.
9 Nang makaharap na nga nila ito, nagkaisa sila sa pagpaparangal sa kanya. “Ikaw ang karangalan ng Jerusalem! Itinampok ang Israel dahil sa iyo. Ipinagkakapuri ka ng ating bansa.
10 Nagawa mong lahat ito nang nag-iisa. Napakalaking kabutihan ang nagawa mo para sa Israel. Ang Diyos ang lugod na lugod. Pagpalain ka ng Diyos na Makapangyarihan sa lahat, habang ikaw ay nabubuhay!”At sumagot ang mga tao, “Amen!”
11 Inabot ng tatlumpung araw bago natapos samsaman ng mga Israelita ang kampo ng mga taga-Asiria. Ibinigay nila kay Judith ang tolda ni Holofernes, lahat ng kasangkapang pilak, mga higaan, mga sisidlan, at lahat ng kagamitan nito. Kinuha niya ang mga ito at isinakay sa kanyang asno; ang iba'y inilagay sa mga kariton.
12 Nagtipon ang lahat ng babae sa Israel para makita at maparangalan si Judith. Nagpakita rin sila ng tanging sayaw para sa kanya. Si Judith nama'y kumuha ng mga sanga ng olibo at ibinigay sa mga babaing kasama niya.
13 Ipinutong nila sa kanilang ulo ang mga sangang ito, gayon din kay Judith. Pumunta siya sa unahan ng lahat ng nagsasayaw; sumunod sa kanya ang mga babae, at sumusunod sa likuran ang kalalakihan ng Israel, hawak-hawak ang kanilang sandata, nakasuot ng mga kuwintas na bulaklak at masayang umaawit ng papuri sa Diyos.